17 BENEPISYARYO SA ATIMONAN, TUMANGGAP NG BAKING EQUIPMENT MATAPOS ANG PAGSASANAY SA PAGGAWA NG TINAPAY
ATIMONAN, Quezon — Tumanggap ng mga kagamitang pang-baking ang labingpitong (17) benepisyaryo mula sa bayan ng Atimonan matapos nilang matagumpay na makumpleto ang 10-araw na STAN On Skills: Community-Based Training on Bread Making na naglalayong palakasin ang kakayahan at kabuhayan ng mga mamamayan sa lalawigan.
Kabilang sa mga ipinamahaging kagamitan ang electric oven, electric mixer, mixing bowl, weighing scale, at cup and spoon set na magagamit ng mga benepisyaryo sa pagsisimula ng kanilang sariling maliit na negosyo sa paggawa ng tinapay at iba pang produktong panaderya.
Isinagawa ang programa sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng Technical Education and Skills Development Authority–Quezon National Agricultural School (TESDA-QNAS) at ng Public Employment Service Office (PESO) Quezon Province. Layunin nitong mabigyan ng sapat na kaalaman, kasanayan, at kagamitan ang mga kalahok upang magkaroon ng dagdag na pagkakakitaan at mapabuti ang kanilang kalagayang pangkabuhayan.
Ayon sa Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon, ang pagsasanay at pamamahagi ng mga kagamitan ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng lalawigan na magpatupad ng mga programang pangkabuhayan para sa mga Quezonin. Inaasahang magsisilbing puhunan at daan ang mga natanggap na kagamitan upang maging matagumpay ang mga benepisyaryo sa kanilang napiling larangan at makatulong sa pag-unlad ng kanilang pamilya at komunidad.