Mga Dating Sundalo, Itinanggi ang Paratang na Sinuhulan Sila para Tumestigo sa Flood Control Probe
Mariing pinabulaanan ng mga dating sundalo ang paratang na tumanggap sila ng suhol mula kay dating Congressman Mike Defensor kapalit ng kanilang testimonya sa imbestigasyon kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Subcommittee nitong Huwebes, iginiit ni Johnny Buduan, isa sa 18 dating Marines na humarap bilang resource person, na wala silang natanggap na anumang halaga mula kay Defensor. Ito ay matapos silang tanungin ni Senador Rodante Marcoleta hinggil sa alegasyong tumanggap umano sila ng tig-P5 milyong “pabuya” kapalit ng pagbibigay ng kanilang mga salaysay sa nagpapatuloy na pagsisiyasat sa flood control scandal.
Hinamon din ni Buduan ang mga nagbintang sa kanila na personal na humarap sa pagdinig upang patunayan ang kanilang mga akusasyon. Aniya, walang katotohanan ang mga alegasyon at handa silang sagutin ang anumang tanong kaugnay ng kanilang testimonya.
Dagdag pa niya, kung totoong nakatanggap sila ng ganoong kalaking halaga ng pera, mas maayos na sana ang kanilang kalagayan sa buhay sa kasalukuyan. Patuloy namang iniimbestigahan ng Senado ang mga alegasyon ng iregularidad sa mga proyektong flood control na pinondohan ng pamahalaan..
