P40.7-M Tourism Event Center, Itinatayo sa Sto. Tomas, Batangas
SINURI ni Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority o TIEZA Chief Operating Officer Mark Lapid ang isinasagawang tourism infrastructure project sa Sto. Tomas, Batangas. Sa isinagawang site inspection nitong Martes, tinutukan ni Lapid ang konstruksyon ng dalawang-palapag na Tourism Event Center Building sa City Agro-Tourism and Ecological Park sa Barangay San Vicente. Umaabot sa P40.7 milyon ang halaga ng proyekto at target itong matapos sa Nobyembre ngayong taon.
Ayon kay Lapid, magsisilbing venue ang event center para sa mga meeting, seminar at iba pang small-group gatherings. Layunin nitong madagdagan ang mga pasilidad sa parke upang hindi lamang ito maging pasyalan at agro-tourism farm. Kasama rin sa proyekto ang landscaping, paglalagay ng streetlights at pagtatayo ng perimeter fence sa loob ng ecological park.
May lawak na siyam na ektarya ang City Agro-Tourism and Ecological Park na matatagpuan malapit sa paanan ng Mount Makiling. Bago ang site inspection, nakipagpulong si Lapid kay Sto. Tomas Mayor Arth Jhun Marasigan sa city hall upang talakayin ang pagpapatupad ng proyekto. Ang TIEZA ang infrastructure, investment at asset management arm ng Department of Tourism.

