3 Hinihinalang Motornapper, Arestado sa Magkahiwalay na Operasyon sa Negros
CAMP VICENTE LIM, Laguna — Tatlong hinihinalang sangkot sa motornapping ang naaresto ng mga awtoridad habang dalawang motorsiklong pinaniniwalaang ninakaw ang narekober sa magkahiwalay na hot pursuit operations sa Negros Oriental at Negros Occidental noong Biyernes.
Kinilala ni Brig. Gen. Roman Cardiño, direktor ng Negros Island Region Police Office, ang mga nadakip sa mga alyas na “Jem,” 19; “Cly,” 18; kapwa residente ng Negros Occidental; at “Step,” 27, na taga-Bacolod City.
Ayon sa pulisya, naaresto sina Jem at Cly sa isinagawang operasyon ng tracker team sa Barangay Sta. Aguida, Pamplona, Negros Oriental. Nag-ugat ang operasyon sa reklamong inihain ng isang 23-anyos na babae na nagsabing ninakaw ang kanyang Honda motorcycle habang nakaparada ito sa tapat ng bahay ng kanyang tiyahin sa Barangay 8, Tanjay City.
Sa imbestigasyon, lumitaw na nakalas na umano ang mga piyesa ng ninakaw na motorsiklo at naipagbili na ang ilan sa mga ito. Gayunman, narekober ng mga awtoridad ang naturang unit gayundin ang isa pang motorsiklong umano’y ginamit ng mga suspek sa kanilang operasyon.
Samantala, isa pang insidente ng motornapping ang naiulat sa Talisay City, Negros Occidental. Kasunod ng reklamo ng biktima, agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas “Step” sa Barangay Bata, Bacolod City dakong alas-4:30 ng madaling-araw noong Sabado.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy kung may iba pang kasabwat ang mga naarestong suspek at kung may kaugnayan sila sa iba pang kaso ng motornapping sa rehiyon.