Mga Dating Kritiko ni VP Sara, Kabilang sa mga Posibleng Testigo sa Impeachment Trial
Isinama ni Sara Duterte sa listahan ng mga posibleng testigo sa kanyang nalalapit na impeachment trial ang ilan sa kanyang dating mga kritiko, kabilang sina Antonio Trillanes IV at Ramil Madriaga.
Batay sa pre-trial brief na inihain ng depensa noong Hunyo 15, layunin ng mga testigo na patunayan na walang sapat na batayan ang mga paratang sa Articles of Impeachment laban sa Bise Presidente. Nakasaad din sa dokumento na maaari pa silang magharap ng karagdagang ebidensya kung kinakailangan.
Bukod kina Trillanes at Madriaga, kabilang din sa mga posibleng testigo ang mga opisyal mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, gayundin ang mga forensic expert, accountant, notaryo publiko, at ilang investigative journalist.
Ang impeachment complaint laban kay Duterte ay kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi tamang deklarasyon ng yaman, hindi pagdedeklara ng mga negosyo, at iba pang alegasyon ng graft and corruption. Kabilang din sa mga paratang ang umano’y pagbabanta sa ilang matataas na opisyal ng pamahalaan.

