DALAWANG BATANG NALUNOD SA RESORT SA CATANAUAN, QUEZON, NASAGIP DAHIL SA AGARANG CPR NG ISANG MARINE ENGINEERING STUDENT
CATANAUAN, Quezon – Muntik nang mauwi sa trahedya ang pamamasyal ng dalawang batang residente ng Brgy. Malaya, General Luna, Quezon matapos silang malunod sa isang beach resort sa bayan ng Catanauan nitong Sabado, Hunyo 27.
Batay sa paunang ulat, napalayo umano sa pampang ang dalawang bata habang hinahabol ang isang nakalutang na bote sa dagat. Dahil sa malakas na alon at lalim ng tubig, hindi na umano nakabalik ang mga ito sa mababaw na bahagi hanggang sa tuluyang malunod.
Nang maiahon ang mga biktima, kapwa wala na silang malay. Agad namang rumesponde si Von Untalan, isang Marine Engineering student, na nagsagawa ng cardiopulmonary resuscitation (CPR) sa dalawang bata. Matapos ang ilang sandali ng tuloy-tuloy na pagbibigay ng paunang lunas, muling nakahinga at nagkamalay ang mga biktima bago sila tuluyang madala sa pagamutan.
Sa kasalukuyan, kapwa nasa maayos nang kalagayan at ligtas na ang dalawang bata.
Samantala, muling nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko, lalo na sa mga magulang at guardian, na mahigpit na bantayan ang mga menor de edad kapag naliligo sa mga beach at iba pang anyong tubig. Binigyang-diin din nila ang pag-iingat lalo na ngayong umiiral ang Habagat, na maaaring magdulot ng malalakas na alon at mapanganib na kondisyon sa karagatan. (Ylou Dagos
Photo: Mhiles Charming

