Mga Kooperatiba sa Quezon, Pinalawak ang Akses sa Serbisyong Pinansyal sa Ilalim ng CFIDP
LUCENA CITY, Quezon – Pinalawak ang oportunidad ng mga kooperatiba sa lalawigan na makakuha ng serbisyong pinansyal matapos magsagawa ng isang makabuluhang pagpupulong ang Development Bank of the Philippines (DBP) kasama ang mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya at pitong agriculture cooperatives upang talakayin ang mga loan programs sa ilalim ng Coconut Farmers Industry Development Plan (CFIDP).
Dinaluhan ang pulong ng mga kinatawan mula sa DBP Head Office, kabilang si Assistant Manager at Project Officer Ms. Justine Calangian, gayundin si Account Officer Ms. Hannah Navela ng DBP Lucena City. Nakiisa rin sa pagpupulong ang Provincial Agriculture Office (PAO), Provincial Agriculture and Cooperative Sector Development Unit (PACSEDU), Katarungan Group, at pitong agriculture cooperatives mula sa lalawigan.
Sa isinagawang talakayan, ipinaliwanag ng DBP ang iba’t ibang loan programs at iba pang serbisyong pinansyal na maaaring mapakinabangan ng mga kooperatiba upang mapalakas ang kanilang operasyon at masuportahan ang pagpapaunlad ng industriya ng niyog sa ilalim ng CFIDP.
Ayon sa DBP, naging positibo ang pagtanggap ng mga kinatawan ng mga kooperatiba sa mga programang inilahad. Ilan sa mga ito ang nagsimula na ring ihanda ang mga kinakailangang dokumento bilang bahagi ng kanilang layuning makapag-avail ng mga pautang at iba pang suportang pinansyal na iniaalok ng bangko.
Patuloy namang pinagtitibay ng Development Bank of the Philippines, Provincial Agriculture Office, PACSEDU, Katarungan Group, at mga kooperatiba ang kanilang pagtutulungan upang mapalawak ang akses sa mga serbisyong pinansyal na inaasahang makatutulong sa pagpapalago ng mga kooperatiba at higit na pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura at industriya ng niyog sa lalawigan ng Quezon.