24 Miyembro ng RIC Catanauan, Nagsanay sa Meat Processing para sa Kabuhayan
CATANAUAN, Quezon – Matagumpay na isinagawa ang dalawang araw na Training on Meat Processing para sa 24 na miyembro ng Rural Improvement Club (RIC) Catanauan noong Hunyo 16 hanggang 17, 2026, bilang bahagi ng patuloy na programa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga mamamayan.
Pinangunahan ng pangulo ng RIC Catanauan na si Ms. Maricel Labanon ang mga kalahok sa naturang pagsasanay na inihatid ng Provincial Government of Quezon sa pamamagitan ng Office of the Provincial Veterinarian. Nagsilbing mga tagapagsanay sina Bb. Cheeyene San Agustin, Bb. Rocelou San Agustin, at Bb. Jovelyn Alcazar mula sa Livestock and Poultry Development Division ng nasabing tanggapan.
Naging matagumpay ang aktibidad sa tulong ng Office of the Municipal Agriculturist ng Catanauan sa pangunguna ni Municipal Agriculturist Migthell Althea P. Evangelista-Pontud. Sa pagsasanay, natutunan ng mga kalahok ang wastong pamamaraan sa pagproseso ng karne, food safety, at paggawa ng mga produktong maaaring ibenta sa merkado.
Ayon sa mga tagapagpatupad ng programa, inaasahang magsisilbing mahalagang oportunidad ang mga natamong kaalaman ng mga kalahok upang makatulong sa kanilang pamilya at makapagsimula ng sariling negosyo. Layunin ng inisyatiba na mapalawak ang pagkakakitaan ng mga residente at makatulong sa pag-angat ng kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng mga programang pangkabuhayan ng pamahalaan.