LABINLIMANG KOLEHIYALONG ISKOLAR SA QUEZON, NAKATANGGAP NG SUPORTANG PINANSYAL MULA SA THERMA LUZON INC. AT ABOITIZ FOUNDATION
Pormal nang ipinagkaloob ng Therma Luzon, Incorporated o TLI, katuwang ang Aboitiz Foundation, Incorporated, ang pinansyal na suporta para sa labinlimang iskolar sa kolehiyo mula sa Pagbilao, Quezon, na kasalukuyang kumukuha ng kursong Accountancy at Engineering sa Southern Luzon State University.
Sa pamamagitan ng kanilang 2026 College Scholarship Program, layunin ng TLI na makatulong sa paglinang ng potensyal ng mga lokal na mag-aaral sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataong matuto, mapaunlad ang kasanayan, at maihanda sila sa kanilang karera sa hinaharap. Binigyang-diin ni TLI Assistant Vice President for Corporate Services Lou Jason Deligencia na ang programang ito ay sumasalamin sa paniniwala ng kumpanya na ang pinakamahalagang asset ng kanilang operasyon ay ang mga tao at hindi ang mga makinarya o planta.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si SLSU University President Dr. Frederick Villa sa patuloy na suporta ng TLI, kung saan binigyang-diin niya na ang ganitong uri ng pakikipagtulungan ay malaking tulong upang masisiguro na ang kakulangan sa pinansyal na kakayahan ay hindi magiging hadlang sa pagtupad ng mga pangarap ng mga karapat-dapat na mag-aaral.