Libreng Flu Vaccination, Inihatid ng Pamahalaang Panlalawigan sa Anim na Bayan sa Quezon; Gov. Helen Tan, Personal na Bumisita
Matagumpay na isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ang libreng flu vaccination sa mga bayan ng Agdangan, Unisan, Pitogo, at Macalelon nitong Nobyembre 21, na agad namang sinundan sa Padre Burgos at Pagbilao noong Nobyembre 22. Personal na nagtungo si Governor Doktora Helen Tan sa mga nasabing lugar upang kumustahin ang kalagayan ng mga residente at makiisa sa paghahatid ng serbisyong medikal.
Binigyang-prayoridad sa nasabing pagbabakuna ang mga senior citizen at ang mga indibidwal na may mga karamdaman o kondisyong pangkalusugan na mas nangangailangan ng proteksiyon. Kabilang sa mga nabigyan ng bakuna ang mga pasyenteng may cancer, sumasailalim sa dialysis, at ang mga may hypertension, diabetes, stroke, tuberculosis, at iba pang chronic diseases.
Patuloy na inilalapit ng Pamahalaang Panlalawigan ang mga programang pangkalusugan sa iba’t ibang munisipalidad upang mas maraming Quezonian ang makinabang. Layunin ng inisyatibang ito na bigyan ng dagdag na proteksiyon laban sa trangkaso ang mga mamamayan tungo sa mas ligtas at malusog na pamumuhay ng bawat pamilya sa lalawigan.