Higit 100 Magsasaka sa Pagsanjan, Nakipaghuntahan sa DA-4A Kasabay ng Farmer’s Day
Tinipon ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) at ng lokal na pamahalaan ng Pagsanjan, Laguna ang higit sa 100 magsasaka para sa “Huntahan sa Kanayunan: A Bagong Pilipinas Town Hall Meeting” noong Nobyembre 20. Isinagawa ang naturang panayam bilang bahagi ng ikaapat na taong selebrasyon ng Farmer’s Day sa bayan, sa pangunguna ng Regional Agriculture and Fisheries Information Section (RAFIS) katuwang ang iba pang programa ng kagawaran.
Layunin ng aktibidad na mailapit at ipakilala ang mga proyekto ng DA-4A sa mga magsasakang nagmumula sa malalayong lugar. Sa pamamagitan nito, nabigyan ng pagkakataon ang mga dumalo na direktang idulog ang kanilang mga kinahaharap na suliranin sa pagsasaka, kabilang ang pagpaparehistro sa Registry System on Basic Sectors in Agriculture (RSBSA), pagpapaseguro ng kagamitan, mga sakit ng saging, at alternatibong pakain para sa organikong paghahayupan.
Ikinatuwa naman ni Mario Del Mundo, isang lokal na magpapalay at maggugulay, ang mga kaalamang ibinahagi sa pagtitipon. Ayon sa kaniya, bukod sa pakikinig sa talakayan ay nakakolekta rin siya ng mga babasahin tungkol sa iba pang uri ng pananim na nais niyang pag-aralan at subukan sa kaniyang sakahan.