Lucena City Legal Office, Naglabas ng Pagtanggi sa Pekeng Dokumento na Kumakalat
LUCENA CITY — Naglabas ng opisyal na disclaimer at paglilinaw ang Office of the City Legal ng Pamahalaang Lungsod ng Lucena hinggil sa isang kumakalat na dokumento na umano’y isinumite sa Department of the Interior and Local Government (DILG) Lucena.
Ayon sa pahayag ng Public Information Office ng lungsod, ang naturang sulat ay hindi opisyal na inilabas, hindi inihanda, hindi inaprubahan, at hindi nilagdaan ng City Legal Office ng Lucena.
Giit pa ng tanggapan, ang pirma na makikita sa dokumento ay hindi tunay na lagda ng City Legal Officer na si Atty. Sheila B. De Leon.
Sa kanilang opisyal na paliwanag, nilinaw ng City Legal Office na wala silang kinalaman sa naturang sulat at hindi ito kinikilala bilang opisyal na komunikasyon ng pamahalaang lungsod.
Dagdag pa rito, pinaalalahanan ng opisina ang publiko na maging mapanuri sa mga dokumentong kumakalat upang maiwasan ang maling impormasyon at kalituhan sa mamamayan.
“Pinapahalagahan namin ang inyong pagbabantay at pag-unawa, mga Lucenahin,” ayon sa pahayag ng opisina.
Sa ngayon, patuloy na hinihikayat ng lokal na pamahalaan ang publiko na mag-verify muna sa mga opisyal na tanggapan bago maniwala o magbahagi ng anumang dokumento na may kahina-hinalang pinagmulan.