Pitong Akusado sa Kidnapping for Ransom, Hinatulan ng Habambuhay na Pagkakakulong
LUNGSOD QUEZON — Itinuring ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) na isang malaking tagumpay para sa batas at katarungan ang paghatol ng korte sa pitong akusado sa kasong kidnapping for ransom ng isang negosyante, kasunod ng halos siyam na buwang pagdinig sa kaso.
Batay sa ulat ng PNP-AKG, nagsimula ang insidente noong Setyembre 2, 2025 nang dukutin ng mga armadong suspek ang biktima. Matapos ang sunod-sunod na operasyon ng mga awtoridad, matagumpay na nailigtas ang biktima noong Setyembre 11, 2025 at naaresto ang lahat ng sangkot sa krimen.
Sa loob lamang ng 24 oras mula sa paglulunsad ng hot pursuit operations, nadakip ng mga operatiba ang kabuuang 11 indibidwal na iniuugnay sa kaso, na nagresulta rin sa pagkakabuwag ng sindikatong responsable sa pagdukot.
Noong Hunyo 30, 2026, naglabas ng hatol ang Regional Trial Court Branch 225 sa Lungsod Quezon sa pamumuno ni Judge Maria Luisa Lesle G. Gonzales-Betic. Napatunayang guilty beyond reasonable doubt ang pitong akusado sa kasong kidnapping for ransom.
Kinilala ang mga nahatulan na sina Juvelito Manalili y Genilo, Juan Estefano y Morales, Randy Alvarez y Marquez, Victoriano Bernido Jr. y Lucero, Alan Alegria y Ravelo, Potenciano Alegria y Ravelo, at Jomar Urbina y Corpuz.
Ipinataw sa kanila ang parusang reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong nang walang posibilidad na makapag-parole. Inatasan din silang magbayad ng ₱100,000 bilang civil indemnity, ₱100,000 bilang moral damages, at ₱100,000 bilang exemplary damages, na papatawan ng anim na porsiyentong taunang interes mula sa oras na maging pinal ang desisyon hanggang sa ganap na mabayaran.
Ayon sa PNP-AKG, ang mabilis na pagresolba sa kaso sa loob lamang ng siyam na buwan ay bunga ng matibay na koordinasyon ng iba’t ibang yunit ng kapulisan, mga ahensya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan, Department of Justice, at ng aktibong pakikipagtulungan ng biktima, pamilya nito, at mga testigo.
Binigyang-diin ng grupo na naging susi sa matagumpay na prosekusyon ang maayos na pangangalap ng ebidensya at ang malapit na koordinasyon sa mga piskal upang matiyak ang matibay na paghahabla laban sa mga akusado.
Ayon kay PBGen. Edwin C. Balles, Acting Director ng PNP-AKG, ang naging hatol ng hukuman ay patunay na nagbubunga ang maagap na aksyon at sama-samang pagkilos ng mga awtoridad.
“Pinapakita nito na sa pamamagitan ng pagkakaisa at mabilis na aksyon, mabilis na makakamit ang katarungan,” pahayag ni Balles.
Iginiit din ng PNP-AKG na magsisilbing babala ang naturang hatol sa mga grupong sangkot sa kidnapping for ransom na hindi titigil ang pamahalaan sa pagtugis at pagpapapanagot sa mga lumalabag sa batas