Cup of Joe, Magpapasiklab sa The Likhawit Music Festival sa Lucena
LUCENA CITY, Quezon — Opisyal nang inanunsyo ng Kapit Productions na ang sikat na OPM band na Cup of Joe ang magiging unang headliner ng The Likhawit Music Festival 2026, na nakatakdang ganapin sa Setyembre 18 at 19 sa Alcala Sports Complex sa Lucena City.
Itinuturing na isang malaking kaganapan sa local music scene ang festival dahil ito ang inaasahang magiging kauna-unahang dalawang-araw na music festival sa CALABARZON. Layunin nitong pagsama-samahin ang libu-libong music enthusiasts mula sa Quezon at iba pang lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at iba pang bahagi ng rehiyon.
Sa pag-anunsyo sa Cup of Joe bilang unang headliner, lalo pang tumataas ang excitement ng mga music fans na inaabangan ang iba pang performers na ilalabas ng organizers. Kilala ang Cup of Joe sa mga OPM hits na patok lalo na sa mga kabataang tagapakinig.
Samantala, nagpaalala ang Kapit Productions sa mga nais manood na bumili lamang ng tickets mula sa opisyal na ticket link na naka-pin sa kanilang official Facebook Page upang makaiwas sa pekeng tickets at online scams.
Inaasahang maglalabas pa ang organizers sa mga susunod na linggo ng karagdagang headliners, performers at iba pang detalye ng The Likhawit Music Festival 2026, na naglalayong maging bagong benchmark para sa malalaking live music events sa CALABARZON.