Posibleng Pagbawi sa Permit ng PrimeWater, Isinusulong ng Sangguniang Bayan ng Pagbilao Dahil sa Lumalalang Krisis sa Tubig
PAGBILAO, Quezon — Pinag-aaralan ng Sangguniang Bayan ng Pagbilao ang posibilidad ng pagsuspinde o tuluyang pagbawi sa business permit ng PrimeWater Corporation kasunod ng patuloy na kakulangan sa suplay ng tubig na nararanasan ng mga residente sa iba’t ibang bahagi ng bayan.
Tinalakay ang usapin sa isinagawang ika-49 na Regular na Sesyon ng konseho kung saan dumalo ang mga kinatawan mula sa Office of the Mayor, Municipal Treasurer’s Office, Municipal Administrator’s Office, General Services Office (GSO), at Business Permits and Licensing Office (BPLO) upang magbigay-linaw sa operasyon at pananagutan ng water concessionaire.
Sa Question Hour, iginiit ni Konsehal Ariel Martinez na hindi umano natupad ng PrimeWater ang mga pangunahing pangakong binitiwan nito nang magsimula ang operasyon sa Pagbilao noong 2018, kabilang ang rehabilitasyon ng pasilidad, sapat na suplay ng tubig, at pagkakaroon ng 24-oras na serbisyo.
“Dapat pa bang magpatuloy ang PrimeWater? Makatarungan ba na magbayad ang mga residente ng minimum bill gayong wala namang pumapasok na tubig sa kanilang mga gripo?” pahayag ni Martinez.
Ayon sa ilang opisyal ng lokal na pamahalaan, mas lalong nagpapabigat sa mga residente ang sitwasyon dahil bukod sa regular na bayarin sa PrimeWater ay napipilitan pa silang bumili ng tubig mula sa ibang mapagkukunan para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Lumabas sa pagdinig na hindi na lamang iilang lugar ang nakararanas ng problema, kundi malawak na bahagi na ng bayan ang apektado ng kakulangan sa tubig.
Ipinakita rin sa sesyon ang ilang dokumentasyon at video na nagpapakita ng epekto ng krisis, lalo na sa mga senior citizen at iba pang sektor na napipilitang mag-igib, magbuhat at gumastos upang magkaroon lamang ng sapat na suplay ng tubig.
Ayon naman sa General Services Office, mas lumala ang problema nitong mga nakaraang buwan kaya kinailangan nang magsagawa ng water rationing ang lokal na pamahalaan, mga barangay, at Bureau of Fire Protection (BFP) gamit ang mga water tanker at iba pang pinagkukunan ng tubig.
Sinabi ng GSO na nais nilang mapalakas ang panawagan sa Quezon Metropolitan Water District (QMWD) upang matiyak na matutupad ng PrimeWater ang mga obligasyon nito bilang service provider.
Binigyang-diin din ng mga opisyal na hindi sapat ang kasalukuyang kapasidad ng mga water tanker upang matugunan ang pangangailangan ng lahat ng apektadong komunidad. Dagdag pa rito ang patuloy na gastusin ng pamahalaang lokal para sa krudo at operasyon ng mga ginagamit na sasakyan sa paghahatid ng tubig.
Samantala, ibinahagi ni Municipal Administrator Juan Zaporteza na tinatayang umaabot sa ₱40 milyon kada buwan ang koleksiyon ng PrimeWater sa buong bayan. Dahil dito, iminungkahi niya na hilingin sa konseho ang paglalaan ng bahagi ng kita ng kumpanya upang makatulong sa gastusin ng lokal na pamahalaan sa water rationing operations.
Naging sentro rin ng talakayan ang naunang pahayag ni Mayor Gigi Portes na wala umanong paglabag ang PrimeWater, bagay na hindi sinang-ayunan ng ilang miyembro ng konseho at mga residente.
Ayon sa mga opisyal, mayroon umanong naunang komunikasyon mula sa QMWD noong Oktubre 2, 2025 na naglalaman ng mga natukoy na hindi natupad na obligasyon at commitments ng PrimeWater.
Para kay Vice Mayor Walter “Wally” Dapla, ang patuloy na pagtugon ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng pamamahagi ng tubig sa mga barangay ay patunay na may seryosong kakulangan sa serbisyo ang concessionaire.
“Ang patuloy na pag-asiste sa iba’t ibang barangay na apektado ay nagpapakita na may malaking pagkukulang na kailangang tugunan,” ani Dapla.
Kabilang sa mga posibleng hakbang na pinag-aaralan ng Sangguniang Bayan ang paghahain ng Notice of Violations at paggamit ng kapangyarihan ng lokal na pamahalaan para sa posibleng suspensiyon o pagbawi ng business permit ng PrimeWater alinsunod sa General Welfare Clause ng Republic Act No. 7160 o Local Government Code.
Ayon sa konseho, maaaring gamitin ang naturang kapangyarihan kung kinakailangan upang mapangalagaan ang kalusugan, seguridad, at kapakanan ng mga mamamayan.
Samantala, sinabi ni Dapla na bagama’t maaaring pag-aralan sa hinaharap ang pagtatayo ng sariling water distribution system ng bayan, dapat munang papanagutin ang QMWD at ang PrimeWater upang gampanan ang kanilang tungkulin sa pagbibigay ng maayos, ligtas, at sapat na suplay ng tubig.
Dagdag pa niya, ang pagtatayo ng sariling pasilidad ay dapat ituring na huling opsyon dahil mangangailangan ito ng malawak na pag-aaral, pondo, at pagsunod sa mga legal na proseso.
Kasabay nito, nanawagan ang ilang konsehal para sa pagsasagawa ng signature campaign upang maipakita ang suporta ng mga residente sa mga hakbang laban sa patuloy na suliranin sa serbisyo ng tubig.
Sa ngayon, hinihintay ng publiko ang magiging aksyon ng lokal na pamahalaan habang patuloy ang panawagan para sa agarang solusyon sa krisis sa suplay ng tubig sa Pagbilao.