TIEZA, NAGTURN OVER NG TATLONG TOURIST FIRST AID BOOTH SA BAGUIO CITY
Pinangunahan ni TIEZA Chief Operating Officer (COO) Mark Lapid ang turnover ng tatlong makabagong Tourist First Aid Booth sa Baguio City noong nakaraang Huwebes. Isinagawa ang ceremonial turnover sa Burnham Park na dinaluhan din ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong.
Ayon kay Lapid, ang mga emergency booth ay kumpleto sa first aid supplies, automated external defibrillator (AED) para sa mga biktima ng cardiac arrest, folding stretcher, intercom na direktang konektado sa command center ng Baguio City, CCTV cameras, at solar panels. Hybrid din ang mga pasilidad kaya maaaring gumamit ng kuryente o solar energy.
Sinabi pa ni Lapid na ang Baguio City ang unang lungsod na pinagkalooban ng state-of-the-art Tourist First Aid Booths bilang pagkilala sa pagiging isa sa mga pangunahing destinasyon ng turismo sa bansa. Bukod sa Burnham Park, mayroon ding itinayong first aid booths sa Bayan Park sa Aurora Hill at sa Baguio Botanical Garden.