Multi-Species Hatchery sa Calauag, Magpapalakas sa Sektor ng Agrikultura
Bumisita si Governor Doktora Helen Tan sa kasalukuyang itinatayong Multi-Species Hatchery sa bayan ng Calauag, Quezon bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng suporta ng Pamahalaang Panlalawigan sa sektor ng agrikultura at pangisdaan. Layunin ng proyekto na mapataas ang produksyon ng mga yamang-tubig at makapagbigay ng mas maraming oportunidad sa kabuhayan para sa mga mamamayan.
Sa isinagawang inspeksyon, personal na sinuri ng gobernador ang progreso ng konstruksyon ng hatchery at binigyang-diin ang kahalagahan ng proyekto sa pagpapabuti ng suplay ng fingerlings at iba pang aquatic species na magagamit ng mga mangingisda at iba pang benepisyaryo sa lalawigan.
Ayon sa Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon, bahagi ang Multi-Species Hatchery ng mga programang naglalayong palakasin ang produksyon sa agrikultura at pangisdaan, kasabay ng pagbibigay ng pangmatagalang suporta sa kabuhayan ng mga Quezonin. Inaasahan na sa oras na makumpleto ang proyekto, mas marami pang residente ang makikinabang sa mga oportunidad na dulot nito.