Rep. Iris Montes, Kinuwestyon ang Pagpapalawak ng Importasyon ng Baboy sa Ilalim ng EO 116
MANILA — Mariing inusisa ni Assistant Minority Leader at 4K Party-list Representative Iris Montes ang pagpapatupad ng Executive Order (EO) No. 116 na nagpapalawak sa Minimum Access Volume (MAV) para sa pag-aangkat ng karne ng baboy mula 54,210 metriko tonelada patungong 204,210 metriko tonelada.
Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food, kinuwestyon ni Rep. Montes ang batayan at layunin ng rekomendasyon ng Kagawaran ng Agrikultura (DA) na ipatupad ang naturang kautusan, na nagresulta sa halos apat na beses na pagtaas ng dami ng baboy na maaaring angkatin sa bansa.
Binigyang-diin ni Montes ang probisyon ng Section 6 ng Agricultural Tariffication Act, na nagsasaad na dapat munang magkaroon ng kakulangan sa suplay o hindi pangkaraniwang pagtaas ng presyo ng produktong agrikultural bago maisagawa ang pagbabago, pag-amyenda, o pagsasaayos sa itinakdang Minimum Access Volume.
Ayon sa mambabatas, kinakailangang masusing suriin ang implementasyon ng EO 116 upang matiyak na hindi mapapabayaan ang lokal na industriya ng pagbababoy, lalo na ang mga hog raiser na patuloy na bumabangon mula sa epekto ng African Swine Fever (ASF).
Iginiit ni Montes na dapat mabalanse ang pangangailangan ng mga mamimili sa abot-kayang presyo ng karne at ang pangangalaga sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka at magbababoy.
Layunin umano ng mambabatas na matiyak na magiging matatag, episyente, at pandaigdigang kompetitibo ang sektor ng agrikultura, lalo na sa harap ng mga posibleng epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dulot ng nagpapatuloy na tensiyon sa Gitnang Silangan na maaaring magdulot ng dagdag na presyur sa inflation sa bansa.