PCol Sandro Jay DC Tafalla, Ibinida ang mga Tagumpay ng Laguna PPO sa Unang Tatlong Buwan ng Pamumuno
LUNGSOD NG SANTA CRUZ, Laguna – Inilahad ni Laguna Police Provincial Office (PPO) Provincial Director PCol Sandro Jay DC Tafalla ang mga pangunahing nagawa ng kanyang pamunuan sa loob ng unang tatlong buwan bilang hepe ng kapulisan sa lalawigan, kung saan tampok ang pinaigting na kampanya laban sa kriminalidad, ilegal na droga, wanted persons, at pagpapalakas ng police visibility.
Ayon kay Taffalla, nananatiling prayoridad ng Laguna PPO ang pagtutok sa mga focus crimes upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong lalawigan. Kasabay nito ay ang mas pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga na nagresulta sa 766 anti-illegal drug operations at pagkakaaresto sa 913 katao.
Bukod sa kampanya kontra droga, naging agresibo rin ang Laguna PPO sa paghuli sa mga wanted persons at pagsasagawa ng operasyon laban sa mga ilegal na baril, bilang bahagi ng mas pinaigting na crime prevention at law enforcement program ng kapulisan.
Isa sa mga mahahalagang repormang ipinatupad ni Tafalla ay ang 24/7 police visibility program. Binago ang duty schedule ng mga pulis sa dalawang 12-oras na shift upang matiyak ang tuloy-tuloy na presensya ng mga pulis sa mga lansangan habang napapanatili ang kanilang kalusugan at kahandaan sa serbisyo.
Pinalakas din ang deployment ng mga tauhan sa mga lugar na nangangailangan ng mas mataas na police presence sa pamamagitan ng pagre-realign ng mga personnel mula sa iba’t ibang municipal police stations.
Sa usaping administratibo, patuloy ding binibigyang-pansin ni Tafalla ang kapakanan at propesyonal na pag-unlad ng mga tauhan. Nitong araw lamang nang Hulyo 29, 2026 ay 55 police personnel ang na-promote bilang pagkilala sa kanilang mahusay na serbisyo. Patuloy rin ang pagbibigay ng rekomendasyon para sa promosyon at iba pang pagkilala sa mga karapat-dapat na miyembro ng Laguna PPO.
Ipinagmalaki rin ng Provincial Director na nananatiling insurgency-free ang lalawigan ng Laguna, bunga ng matatag na koordinasyon ng kapulisan sa mga lokal na pamahalaan, iba pang ahensya ng pamahalaan, at ng mismong komunidad.
Binigyang-diin ni Taffalla na ang mga naitalang tagumpay ay bunga ng dedikasyon ng bawat miyembro ng Laguna PPO at ng patuloy na suporta ng mga lokal na opisyal at mamamayan.
“Patuloy nating pagtitibayin ang ating kampanya laban sa kriminalidad at palalakasin ang ugnayan ng pulisya at komunidad upang mapanatiling ligtas at mapayapa ang buong lalawigan ng Laguna,” ani Tafalla.

