MRPO, Nagpasalamat sa Mabilis na Desisyon ng Hukuman ngunit Hindi Lubos na Kontento sa Hatol
Quezon City- Nagpahayag ng pasasalamat Gng Teresita Ang See, Founding Chairperson ng Movement for Restoration of Peace and Order(MRPO) matapos maglabas ng desisyon ang hukuman nitong Hunyo 30, 2026 sa kaso ng isang pitongpu’t walong taong gulang (78) na babaeng negosyante na biktima ng kidnapping noong ika- 2 Setyembre, 2025 sa may Balintawak, Quezon City. Kasabay ng pagsasabing hindi pa rin sila lubos na nasisiyahan dahil sa pagpapawalang-sala sa apat na akusado na umano’y may naging bahagi rin sa krimen.
Ayon kay Gng Ang See, malaking hakbang ang naging desisyon ng korte dahil sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng 33 taon ng kanilang pakikibaka sa ilalim ng MRPO, isang kaso ang naresolba sa loob lamang ng siyam na buwan.
Sinabi rin niya na napatunayang may pananagutan ang mga itinuturong mastermind ng krimen, bagay na kanilang ikinatuwa dahil nagpapakita ito na umiiral pa rin ang hustisya kahit may mga pagkakataong mabagal ang proseso ng batas.
Gayunman, iginiit ni Ang See na dapat ding managot ang apat na akusadong napawalang-sala. Bagama’t hindi itinuturing na pangunahing may sala ang mga ito, naging bahagi pa rin sila ng insidente at wala umanong ginawang hakbang upang pigilan ang krimen o tulungan ang biktima sa loob ng mahigit labing-isang araw na pagkakabihag.
“Pinaglalaban namin ang prinsipyo na crime does not pay. Dapat managot ang lahat ng may pananagutan sa krimeng nagawa,” pahayag ni Gng Ang See.
Umaasa rin naman si G. Melvin Dy, Chairman ng MRPO na magsisilbing inspirasyon ang naging desisyon ng hukuman sa iba pang mga biktima upang magkaroon ng lakas ng loob na magsampa ng kaso at magsalita laban sa mga nagkasala.
Dagdag po ni Dy, marami pa ring biktima ang nananatiling tahimik dahil sa takot, dahilan upang magpatuloy ang mga katulad na krimen. Naniniwala si Dy, ang mabilis na pag-usad ng kasong ito ay patunay na may pag-asa pa ring makamit ang hustisya.
Sa kabila ng kanilang mga reserbasyon sa naging hatol, nagpahayag pa rin ng pasasalamat ang MRPO sa mga imbestigador, mga piskal, at sa hukuman sa naging maayos na paghawak sa kaso.
Iginagalang din nila Gng Ang See at G. Dy ang desisyon ng korte at umaasang magkakaroon pa ng mga susunod na hakbang kaugnay sa naging pagpapawalang-sala sa apat na akusado, upang tuluyang makamit ang ganap na hustisya para sa biktima.