ONLINE PRE-REGISTRATION PARA SA SPES 2026, BUKAS NA PARA SA MGA KABATAANG QUEZONIAN
Muling binuksan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon, sa pangunguna ni Governor Doktora Helen Tan, sa pamamagitan ng Quezon Provincial Public Employment Service Office o QPPESO, ang online pre-registration para sa Special Program for Employment of Students (SPES) 2026. Layunin ng programa na mabigyan ng pansamantalang trabaho ang mga kwalipikadong estudyante at out-of-school youth upang magkaroon sila ng karagdagang tulong pinansyal para sa kanilang pag-aaral, kasabay ng paglinang sa kanilang kakayahan, disiplina, at kahandaan sa mundo ng trabaho.
Ayon sa QPPESO, nagsimula ang online pre-registration noong Hulyo 10 at magtatagal hanggang Hulyo 17, 2026, alas-11:59 ng gabi, o mas maaga kung maaabot na ang target na bilang ng mga aplikante. Ipinaalala rin ng tanggapan na first come, first served ang pagtanggap ng mga aplikante, kaya hinihikayat ang lahat ng interesadong Kabataang Quezonian na magparehistro sa lalong madaling panahon upang magkaroon ng pagkakataong mapasama sa programa.
Para sa kumpletong impormasyon tungkol sa mga kwalipikasyon at documentary requirements, maaaring panoorin ng mga aplikante ang video na inilabas ng QPPESO at bisitahin ang opisyal na Facebook pages ng Provincial Government of Quezon at PESO Quezon Province para sa mga susunod na anunsyo at updates hinggil sa proseso ng aplikasyon ng SPES 2026.