PAGPAPALAKAS NG KAALAMAN SA FRESHWATER AQUACULTURE, ISINAGAWA PARA SA MGA FISHERIES STAKEHOLDERS SA QUEZON
LUCENA CITY, Quezon – Pinalawak pa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon, sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) – Quezon, katuwang ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region IV-A, ang kaalaman ng mga fisheries personnel at fishpond operators sa lalawigan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Training on Freshwater Aquaculture noong Hunyo 30, 2026.
Idinaos ang pagsasanay sa Casa Melan sa Tayabas City at dinaluhan ng mga LGU technicians at fishpond operators mula sa mga bayan ng Tayabas, Pagbilao, Sariaya, Lucban, Mauban, at Sampaloc. Layunin ng programa na higit pang mapaunlad ang kakayahan ng mga kalahok sa pamamahala at pagpapaunlad ng freshwater aquaculture.
Sa isinagawang training, tinalakay ang mga makabagong pamamaraan sa pagpapalaki ng mga isdang-tabang gaya ng tilapia, dalag, hito, at iba pang freshwater species upang mapataas ang produksyon at mapabuti ang kalidad ng aquaculture sa lalawigan.
Ayon sa mga organizer, mahalagang hakbang ang naturang pagsasanay upang matulungan ang mga fish farmers na mapalawak ang kanilang kabuhayan, mapataas ang kanilang ani, at higit na makapag-ambag sa seguridad sa pagkain at patuloy na pag-unlad ng sektor ng pangisdaan sa Quezon.