MID-YEAR ASSESSMENT PARA SA QUEZON RUMINANT GENETIC IMPROVEMENT PROGRAM, ISINAGAWA SA LUCENA
LUCENA CITY, Quezon – Matagumpay na isinagawa ng Office of the Provincial Veterinarian (OPVet) ang Mid-Year Assessment and Planning Workshop of the Quezon Ruminant Genetic Improvement Program with LGU Artificial Insemination (AI) Technicians noong Hunyo 24, 2026, bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng ugnayan ng mga Local Government Unit (LGU), mga AI Technicians, at mga katuwang na ahensya sa pagpapaunlad ng sektor ng paghahayupan sa lalawigan.
Pinangunahan ni Provincial Veterinarian Dr. Flomella A. Caguicla ang naturang workshop, kasama ang mga kawani ng Livestock and Poultry Development Division. Nakiisa rin sa programa ang mga kinatawan mula sa Department of Agriculture – Philippine Carabao Center (DA-PCC) na sina Mr. Reynor Garcia, Mr. Michael Lalap, at Ms. Ladelen Morada, gayundin ang mga kinatawan ng Department of Agriculture – Regional Artificial Insemination Center (DA-RAIC) at Department of Agriculture – National Dairy Authority (DA-NDA), sa pangunguna nina Mr. Harry Venal Salubayba at Mr. Roman Domanico.
Sa workshop, nagbahagi ang mga katuwang na ahensya ng mahahalagang ulat at update hinggil sa kalagayan ng mga baka at kalabaw na sumailalim sa Artificial Insemination (AI) Program. Tinalakay rin ang mga hamong kinakaharap ng mga LGU AI Technicians sa kanilang operasyon at nagbigay ng mga rekomendasyon at praktikal na gabay upang mapahusay ang wastong paggamit at pangangalaga ng AI paraphernalia, na mahalaga sa pagpapataas ng tagumpay ng breeding program sa lalawigan.
Naging pagkakataon din ang aktibidad upang magplano ng mga susunod na hakbang para sa mas epektibong pagpapatupad ng Quezon Ruminant Genetic Improvement Program. Sa pagtatapos ng workshop, umuwi ang mga kalahok na may bagong kaalaman, mas matatag na ugnayan sa kanilang mga katuwang na ahensya, at panibagong inspirasyon na ipagpatuloy ang pagbibigay ng de-kalidad na serbisyo sa mga magsasaka at sa patuloy na pagpapaunlad ng sektor ng paghahayupan sa Lalawigan ng Quezon.