DEPED, MULING NAGPAALALA SA PAGBABAWAL NG PAGGAMIT NG GADGETS HABANG MAY KLASE SA MGA PAMPUBLIKONG PAARALAN
MANILA – Muling ipinaalala ng Department of Education (DepEd) nitong Miyerkules na mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng mga portable electronic devices o gadgets habang isinasagawa ang klase sa lahat ng pampublikong paaralan, alinsunod sa DepEd Order No. 6, Series of 2026 o Guidelines on Ensuring a Safe and Motivating Learning Environment (ESMLE).
Ayon sa DepEd, layunin ng naturang polisiya na matiyak ang ligtas, responsable, at angkop na paggamit ng internet at mga electronic device sa loob ng paaralan. Saklaw ng pagbabawal ang paggamit ng cellphone, tablet, at iba pang portable gadgets para sa social media, online games, content creation, vlogging, at iba pang hindi kaugnay sa pag-aaral habang may klase. Ang patakaran ay ipinatutupad hindi lamang sa mga mag-aaral kundi maging sa mga personnel ng paaralan.
Gayunman, nilinaw ng kagawaran na pinahihintulutan ang paggamit ng gadgets kung ito ay para sa layuning pang-edukasyon, tulad ng pag-access sa educational platforms, digital learning resources, at iba pang awtorisadong online activities na bahagi ng leksyon. Maaari rin itong gamitin sa panahon ng emergency, kabilang ang komunikasyon kaugnay ng kalamidad, medical emergencies, at iba pang agarang sitwasyon.
Inatasan din ng DepEd ang lahat ng field offices at mga pampublikong paaralan sa bansa na paigtingin ang information drive upang higit na maunawaan ng mga mag-aaral, guro, at mga magulang ang kahalagahan ng responsableng paggamit ng internet at mga electronic device bilang bahagi ng pagpapanatili ng isang ligtas at maayos na kapaligiran sa pagkatuto.