POLICEWOMAN, IGINIIT NA PUWERSAHANG BINUKSAN ANG LOCKER NA PINAGLAGYAN NG BARIL NA GINAMIT SA TACLOBAN SCHOOL SHOOTING
MANILA – Iginiit ng policewoman na may-ari ng baril na ginamit ng 14-anyos na suspek sa pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na ilegal na pumasok sa kanyang bahay ang kanyang pamangkin at puwersahang binuksan ang locker kung saan nakatago ang kanyang service firearm.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Police Staff Sergeant Arla Ray Pacencia na nakasara at naka-lock ang kanyang bahay at maging ang locker na pinaglagyan ng baril nang maganap ang insidente.
Ayon kay Pacencia, sapilitang sinira ng kanyang pamangkin ang locker upang makuha ang baril. Aniya, naniniwala siyang ligtas ang kanyang armas dahil siya lamang ang naninirahan sa naturang bahay.
Gayunman, inamin din ng policewoman sa pagdinig na ang kanyang baril ay inilagay lamang sa isang plastic na gun box at hindi sa isang safety vault, na siyang itinuturing na pamantayan sa tamang pag-iingat at pag-iimbak ng mga baril.
Ipinaliwanag ni Pacencia na ginawa niya ito sa paniniwalang sapat ang seguridad ng kanyang bahay at walang ibang may akses sa kanyang mga gamit. Samantala, patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy kung may paglabag sa mga umiiral na patakaran sa pag-iingat ng mga baril at kung may pananagutang administratibo o kriminal na dapat harapin kaugnay ng nangyari.