NATIONAL DISASTER RESILIENCE MONTH, PORMAL NA BINUKSAN SA FLAG RAISING CEREMONY NG PDRRMO SA QUEZON
LUCENA CITY, Quezon – Pormal na sinimulan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month sa pamamagitan ng regular na Flag Raising Ceremony na ginanap sa Quezon Convention Center nitong Lunes, Hulyo 6, 2026. Pinangunahan ang programa ni PDRRMO Head Dr. Melchor Avenilla Jr., kasama ang mga opisyal at kawani ng tanggapan.
Bilang bahagi ng programa, inilahad ng PDRRMO ang kanilang Accomplishment Report para sa unang kalahati ng taong 2026 sa pamamagitan ng isang audio-visual presentation (AVP). Tampok sa ulat ang iba’t ibang matagumpay na programa, pagsasanay, disaster preparedness activities, emergency response operations, at iba pang inisyatiba na naisakatuparan mula Enero hanggang Hunyo 2026. Ayon sa tanggapan, naging posible ang mga ito sa pamamagitan ng matatag na koordinasyon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon, mga Local Government Units (LGUs), Local Disaster Risk Reduction and Management Offices (LDRRMOs), at mga miyembro ng Disaster Risk Reduction and Management Councils sa pambansa at lokal na antas.
Dumalo rin sa naturang pagtitipon ang mga Local Disaster Risk Reduction and Management Officers (LDRRMOs) mula sa 41 munisipalidad at dalawang lungsod ng lalawigan. Ipinakita ng kanilang presensya ang patuloy na pagkakaisa at koordinasyon ng mga ahensyang nangunguna sa paghahanda at pagtugon sa anumang uri ng kalamidad at sakuna sa buong Quezon.
Samantala, ibinahagi ni Dr. Melchor Avenilla Jr. ang kalendaryo ng mga aktibidad na inihanda ng PDRRMO para sa buong pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month. Kabilang dito ang iba’t ibang information campaigns, disaster preparedness trainings, simulation exercises, at mga programang naglalayong palawakin ang kaalaman ng publiko sa tamang paghahanda at pagtugon sa mga kalamidad.
Hinikayat naman ng PDRRMO ang lahat ng Quezonin na aktibong makilahok sa mga nakatakdang gawain upang higit na mapaigting ang kultura ng kahandaan sa lalawigan. Ayon sa tanggapan, ang tema ng pagdiriwang ay nagpapaalala na “Ligtas ang may Alam,” isang panawagang nagsusulong ng sapat na kaalaman, maagap na paghahanda, at sama-samang pagkilos upang mabawasan ang epekto ng mga sakuna at maprotektahan ang buhay at kabuhayan ng bawat mamamayan.