Burnham Lake, Target Mabuksan Muli sa Agosto
Inaasahang matatapos sa darating na Agosto ang rehabilitasyon ng Burnham Lake sa Baguio City. Ito ang kinumpirma ni TIEZA General Manager at Chief Operating Officer Kuya Mark Lapid matapos niyang inspeksyunin ang proyekto kasama si Baguio City Mayor Benjamin Magalong. Ayon kay Lapid, umabot na sa humigit-kumulang 80 porsiyento ang natatapos sa rehabilitasyon at target itong ganap na makumpleto sa susunod na buwan.
Ayon pa kay Lapid, unang yugto pa lamang ng mas malawak na Burnham Park Master Development Plan ang kasalukuyang rehabilitasyon. Kasunod nito ay ang pagsasaayos ng Children’s Park, Rose Garden, at Skating Rink bilang bahagi ng patuloy na modernisasyon ng isa sa mga pangunahing atraksyon sa Baguio. Layunin ng proyekto na mapanatili ang makasaysayang halaga ng Burnham Park habang pinahuhusay ang mga pasilidad nito para sa kapakinabangan ng publiko.
Samantala, tiniyak ng Pamahalaang Lungsod ng Baguio na sa muling pagbubukas ng Burnham Lake, tanging mga bagong bangka at yaong nasa maayos na kondisyon ang papayagang maglayag sa lawa. Magpapatupad din ng mas mahigpit na pamantayan sa operasyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga turista at residente at maibigay ang mas maayos at dekalidad na serbisyo sa lahat ng bibisita sa Burnham Park.