Mark Lapid, Dumalo sa Government Employees’ Night; TIEZA, Magpopondo sa Rehabilitasyon ng Sipaway Island Lighthouse
SAN CARLOS CITY, Negros Occidental – Nakiisa si Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) Chief Operating Officer Mark Lapid sa Government Employees’ Night bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-66 na Charter Anniversary ng San Carlos City.
Idinaos ang programa sa Center Mall Grounds sa harap ng San Carlos City Hall, kung saan nakasama ni Lapid si San Carlos City Mayor Renato Gustilo at ang mga kawani ng lokal na pamahalaan sa pagdiriwang na nagbibigay-pugay sa serbisyo ng mga empleyado ng pamahalaan.
Sa kanyang mensahe, ibinahagi ni Lapid ang planong rehabilitasyon ng makasaysayang Sipaway Island Lighthouse, isang proyektong popondohan ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority. Aniya, layunin ng inisyatibong ito na mapangalagaan ang mahalagang pamanang pangkasaysayan ng lungsod habang pinalalakas ang turismo sa lugar.
Ayon pa kay Lapid, inaasahang makatutulong ang rehabilitasyon ng parola sa Sipaway Island upang makahikayat ng mas maraming turista at makapagbigay ng karagdagang oportunidad sa kabuhayan ng mga residente. Bahagi rin ito ng patuloy na programa ng TIEZA na paunlarin ang mga pangunahing destinasyong panturismo sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang ang San Carlos City at ang buong lalawigan ng Negros Occidental.