MISIS, SUGATAN MATAPOS UMANONG TANGKAIN GILITAN NG MISTER SA LUCENA CITY
LUCENA CITY, Quezon – Sugatan at kasalukuyang nagpapagaling sa MMG General Hospital ang isang 44-anyos na ginang matapos umano itong tangkaing gilitan ng sariling asawa sa Barangay Mayao Crossing, Lucena City noong gabi ng Hunyo 29.
Kinilala ng pulisya ang biktima sa alyas na Lyn, habang ang suspek ay ang kanyang mister na kinilalang alyas Rod, 49-anyos. Pareho silang residente ng Lucena City.
Batay sa inisyal na ulat ng Lucena Component City Police Station, dakong alas-9:30 ng gabi ay nakikipag-inuman ang biktima kasama ang ilang kaibigan nang dumating ang suspek. Nauwi umano sa mainitang pagtatalo ang dalawa dahil sa hindi pa matukoy na dahilan.
Sa gitna ng kanilang alitan, sinabunutan umano ng suspek ang biktima at tinangkang gilitan ito gamit ang isang patalim. Gayunman, nakaiwas ang ginang matapos nitong salagin ang hawak na kutsilyo ng suspek, dahilan upang magtamo lamang siya ng sugat sa kanang braso sa halip na sa leeg.
Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang suspek. Agad namang naisugod sa ospital ang biktima upang mabigyan ng kinakailangang medikal na atensyon.
Patuloy ang isinasagawang manhunt operation ng Lucena Component City Police Station para sa agarang pagdakip sa suspek, na nahaharap sa kasong Frustrated Parricide.