Malakihang Bawas sa Presyo ng Langis, Epektibo Ngayong Hunyo 23
Nagsimula ngayong Martes, Hunyo 23, ang malakihang rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa. Ayon sa Department of Energy (DOE), bababa ang presyo ng gasolina ng hanggang P5.90 kada litro, habang aabot naman sa P11.04 kada litro ang bawas sa diesel at hanggang P11.82 kada litro sa kerosene.
Ipinaliwanag ng DOE na ang pagbaba ng presyo ay bunsod ng pag-stabilize ng pandaigdigang merkado ng langis kasunod ng positibong pag-unlad sa usapin sa pagitan ng Estados Unidos at Iran. Matatandaang nagkaroon na rin ng bahagyang rollback sa diesel at kerosene noong nakaraang linggo.
Samantala, tiniyak ng ahensya na sapat ang suplay ng langis sa bansa. Batay sa tala noong Hunyo 19, 2026, may kabuuang imbentaryo ang bansa na katumbas ng 43.86 araw na suplay ng produktong petrolyo, kabilang ang gasolina, diesel, kerosene, jet fuel, fuel oil, at LPG.