DAGDAG-PRESYO SA DIESEL AT KEROSENE, EPEKTIBO NGAYONG HULYO 14
Epektibo ngayong Martes, Hulyo 14, ang panibagong dagdag-presyo sa diesel at kerosene, ayon sa Department of Energy (DOE). Samantala, sinabi ng ahensya na maaaring manatiling hindi nagbabago o bahagyang tumaas ang presyo ng gasolina depende sa magiging ipatutupad ng mga kompanya ng langis.
Ayon sa DOE, ang diesel ay maaaring tumaas ng P2.62 hanggang P4.62 kada litro, habang ang kerosene ay may posibleng dagdag na P2.22 hanggang P4.22 kada litro. Para naman sa gasolina, maaari itong walang galaw o magkaroon ng pagtaas na hanggang P1.00 kada litro. Nilinaw ng ahensya na ang aktuwal na price adjustment ay maaaring mag-iba batay sa desisyon ng bawat oil company.
Ipinaliwanag ni Energy Secretary Sharon Garin na ang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ay dulot ng patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan, kabilang ang banta sa pagdaan ng mga barko sa Strait of Hormuz. Dahil dito, pinag-aaralan ng DOE na baguhin ang sistema ng price adjustment sa mga susunod na linggo at maaaring magtakda na lamang ng maximum o minimum na halaga ng rollback o price hike depende sa galaw ng presyo ng krudo sa world market.