CICC, Pansamantalang Ipinagbawal ang GoreBox Matapos ang Pamamaril sa Tacloban
Nagpatupad ng pansamantalang pagbabawal ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa video game na GoreBox kasunod ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng mahigit 20 iba pa. Ayon sa ahensiya, isang 14-anyos na suspek sa insidente ang iniulat na regular na manlalaro ng naturang laro, dahilan upang magsagawa ng agarang hakbang habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Sinabi ni Aboy Paraiso na pansamantalang iba-block ang aplikasyon bilang precautionary measure upang masuri kung may naging impluwensiya ito sa naging kilos ng mga menor de edad na sangkot sa trahediya. Bagama’t wala pang direktang ebidensiyang nag-uugnay sa laro sa krimen, hindi isinasantabi ng CICC ang posibilidad na nakaapekto ito sa pag-uugali ng mga suspek.
Samantala, nakikipag-ugnayan na ang Threat Monitoring Center ng CICC sa Council for the Welfare of Children upang higit na mabantayan ang mga online platform na ginagamit ng mga kabataan. Hinikayat din ng ahensiya ang publiko na iulat ang mga kaso ng cyberbullying at iba pang online threats sa hotline 1326. Inilunsad noong 2023, ang GoreBox ay isang physics-based sandbox game na gumagamit ng block-style graphics na kahalintulad ng mga larong Minecraft at Roblox, at maaaring laruin sa mga computer at Android devices.