HB No. 6034 ISINUMITE: RAINWATER MANAGEMENT BILL, TINUTUONG GAWING YAMAN ANG ULAN SA PILIPINAS
Naghain si Assistant Minority Leader at 4K Partylist Representative Iris Montes ng House Bill No. 6034 na naglalayong baguhin ang pananaw sa ulan sa bansa—mula sa itinuturing na sanhi ng pagbaha tungo sa isang mahalagang likas na yaman na maaaring pakinabangan para sa iba’t ibang pangangailangan.
Sa ilalim ng panukala, itatatag ang isang komprehensibong sistema para sa pamamahala ng rainwater runoff na sasaklaw mula sa pag-iimbak ng tubig-ulan hanggang sa paggamit nito para sa irigasyon, groundwater recharge, firefighting, at iba pang non-potable na gamit. Layunin nitong tugunan ang matagal nang suliranin ng pagbaha sa mga urban at rural na lugar habang pinapabuti rin ang suplay ng tubig sa panahon ng tagtuyot.
Isinasaad din sa HB 6034 ang obligasyon sa mga developer at may-ari ng lupa na magsumite ng Rainwater Management Plan bago aprubahan ang anumang development project. Sa pamamagitan nito, inaasahang magkakaroon ng konkretong hakbang ang bawat proyekto upang mabawasan ang runoff, maiwasan ang polusyon sa tubig, at mapalakas ang resilience ng mga komunidad laban sa climate change.
Kasabay nito, itinataguyod ng panukala ang paggamit ng green infrastructure at sustainable design gaya ng permeable surfaces, rain gardens, at retention systems upang mapanatili ang natural na daloy ng tubig. Sa kabuuan, layunin ng HB 6034 na gawing bahagi ng solusyon sa climate challenges ang ulan, imbes na ituring lamang itong panganib sa mga komunidad.